SEC nagbabala sa 727-Tycoon/1Tycoon investment

Binalaan ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang publiko laban sa pag-i-invest sa 727-Tycoon/1Tycoon na nangangako ng mga cellphone, laptop at iba pa sa mga makakapagbigay ng referral.

Ayon sa SEC, hindi ito rehistrado sa komisyon bilang corporation o partnership at lalong hindi ito awtorisadong mag-solicit ng mga investment sa publiko dahil wala itong kinaukulang lisensiya.

Ayon sa Enforcement and Investor Protection Department ng SEC, apat na package ang inaalok ng 727-Tycoon/1Tycoon. Ang pinakamura ay ang starter package na P500 na may kasamang isang pabango at isang sa­bon, moringa o malunggay, tatlong whitening soap, tatlong soap ELLE, at isang alkaline drops. Ang susunod na package ay ang basic package na may mga kasama ring pabango, sabon, moringa at alkaline drops na mas marami. Meron din itong builder package na P4,999 at booster package na P16,888 na kapwa may mga kasama ring mas maraming sabon, pabango, moringa, at alkaline drops.

Ang siste, magrerehistro sa sistema sa tulong ng sponsor ang bumili ng activation package. Maaari rin daw kumita sa pamamagitan ng direct sel­ling, at mga direct referral kung saan maaari pa silang makakuha raw ng cellphone, motorsiklo, bakasyon, kotse at house and lot.

“The public is advised NOT TO INVEST or STOP INVESTING in any investment scheme being offered by any individual or group of persons allegedly for or on behalf of 727 TYCOON/1TYCOON and to exercise caution in dealing with any indivi­duals or group of persons soliciting investments for and on behalf of it,” sabi ng SEC.

Nanawagan din ang SEC na tumawag sa mga numero 02-8818-6047 o sa 02-8818-6337 sakaling may impormasyon sila tungkol sa mga grupo at mga taong nag-aahente para sa 727-TYCOON/1TYCOON. Maari din silang mag-email sa epd@sec.gov.ph. (Eileen Mencias)