Uumpisahan na ng national adjudication board ng Philippine National Police (PNP) ang ikalawang batch ng mga narco cops o mga pulis na sangkot sa bentahan ng iligal na droga.

Ayon kay PNP Deputy chief for Administration at board chairperson, Lt. General Camilo Cascolan, ang second batch ay kinabibilangan ng 352 pulis, 83 sa mga ito ay nasa National Watchlist on Illegal Drugs (NWID), habang ang 269 ay nasa Counter Intel Watchlist (CIW).

Sinabi pa ni Cascolan na ang resulta ng imbestigasyon sa unang batch ng narco cops na kinabibilangan ng 357 pulis na umanoy may kinalaman sa bentahan ng iligal na droga ay kanila nang naisumite sa tanggapan ni PNP chief General Archie Gamboa.

“We finished in the first week of March the 357 (first batch). The RDs (Regional Directors), Directors, National Support Units (NSUs), will start their adjudication (as soon as possible) and simultaneous evaluation by the PNP Drug Enforcement Group (PDEG), Integrity Monitoring Enforcement Group (IMEG), PNP Internal Affairs Service (IAS), and Intelligence group (IG). We hope to finish it by the first week of June,” pahayag ni Cascolan.

Ayon naman kay PNP chief General Archie Gamboa sa panayam kahapon na kanya nang ipinadala ang imbestigasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte subalit dahil sa pandemic na COVID-19 ay hindi ito maharap ng pangulo.

“We are awaiting for, syempre very busy si President. There were recommendations there on the part of the PNP. Those who we recommend for delisting and those that are for case buildup and there is another list coming up. We haven’t asked the

President if we will be allowed to evaluate it again based on the PNP,” pahayag ni Gamboa sa isinagawang press conference sa ULTRA sa Pasig City kahapon. (Edwin Balasa)