Secretary ni Cotabato mayor nilikida

Malagim ang naging kamatayan ng isang dating brodcaster at ngayon ay nagtatrabaho sa mayor’s office ng Cotabato City matapos itong pagbabarilin sa ulo at katawan ng hindi pa kilalang salarin habang nag-aalmusal ang biktima sa isang kainan Lunes ng umaga sa nabatid na lalawigan.

Kinilala ang napatay na biktima na si Anicieto ‘Boy’ Rasalan, dating newscaster sa isang local na istasyon ng radyo sa nabatid na lungsod at ngayon ay nagtatrabaho bilang executive secretary at tagapagsalita ni Cotabato City Mayor Cynthia Guinani-Sayadi.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang pamamaril dakong alas-7:30 ng umaga habang nag-aalmusal ang biktima sa Se Hua eatery na matatagpuan sa kahabaan ng Notre Dame Avenue sa Brgy. Rosary Heights 2, ng nasabing lungsod.

Isang motorsiklo umano ang huminto sa lugar lulan ang riding in tandem na suspek na armado ng kalibre .45 at agad tinungo ang kinaroroonan ng biktima at pinagbabaril ito.

Matapos ang pamamaril ay mabilis nang tumakas ang mga suspek patungo sa hindi batid na direksyon.

Sinubukan pang dalhin sa Cotabato Regional and Medical Center ang biktima subalit idineklara na itong dead on arrival dahil sa mga tama ng bala sa ulo at katawan.

Sa ginawang pagsisiyasat ng pulisya sa crime scene ay nakakuha sila ng anim na basyong bala ng kalibre .45 baril.

Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ang naganap na pamamaslang sa biktima. (Edwin Balasa)