Segundamanong motorsiklo walang nilabag na batas, sulit sa MMDA

Walang nilabag na batas ayon kay Metropolitan Manila Development Agency (MMDA) General Manager Thomas Orbos ang pagbili ng 18 secondhand motorcycle units na ginamit nang bumisita ang Santo Papa at idaos ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) meeting sa bansa dalawang taon na ang nakalilipas.

Ayon kay Orbos, ang pondo sa pagbili ng mga bagong motorsiklo ay ipinalabas ng Departmet of Budget and Management (DBM) noong Enero 12, 2015 o tatlong araw bago dumating si Pope Francis na isang malaking kahihiyan sana kung hindi ito nagawan ng paraan ni ex-MMDA Chairman Francis Tolentino.

Tahasang sinabi ni Orbos na batay sa National Budget Circular 446-A at mga resolusyon ng Government Procurement Policy Board, pinapayagan ang pagbili ng mga segundamanong motorsiklo batay sa panga­ngailangan nito.

Sinabi naman ni dating MMDA Assistant Ma­nager Edenison Fainsan, walang mabiling big bike na kailangan sa Papal Visit at APEC meeting at kung mayroon man ay sa Japan pa ito bibilhin at matatagalan bago pa ito makarating sa bansa.

Nilinaw din ni Orbos na walang perang ginastos ang MMDA sa pagbili ng pre-owned motorcycles dahil ang iba pa nga sa mga ito ay donasyon ni Tolentino sa ahensiya na mahilig din gumamit ng big bike.

Nanindigan si Orbos na malaking tulong ang pagkakaroon ng big bike ng MMDA dahil hanggang ngayon ay pinakikinaba­ngan pa ng ahensiya para sa holiday season at sa nalalapit na pagdaraos ng Miss Universe pageant sa susunod na taon.