Ilang tulog na lang at Pasko na naman. Habang parami nang parami ang mga tao sa mga mall at lalo na sa Divisoria na siyang bagsakan ng mga murang bilihin, inaasahan naman ang pagdami na parang kabute ng mga tirador. At ‘wag ka, ang mga tirador ngayon eh hindi mo mapagkakamalang mga namimitas ng pitaka.
Ang mga lokong mandurukot ay disente at hindi mapagkakamalang nanlalaslas ng bulsa at bag ng mga kawawang mamimili.
Kaya nga ang bilin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar sa mga hepe ng Manila Police District (MPD), Southern Police District (SPD), Eastern Police District (EPD) at Quezon City Police District (QCPD), aba eh magtrabaho sila at huwag iaasa lang sa mga tauhan nila ang pagbabantay sa mga masasamang-loob na aatake ngayong Kapaskuhan.
Oo nga naman mga Sir, labas-labas din at huwag magpa-presko sa mga air-conditioned na opisina ha. Mahirap na pati kayo eh masampolan ng ating Mamang Pulis at tiyak na pupulutin din kayo sa kangkungan.
Ang direktiba pa ni General Eleazar, higit na paigtingin ang seguridad sa lahat ng istasyon ng Light Rail Transit sa Line 1 at 2 dahil sa papalapit na Kapaskuhan.
Sinabi ni General Eleazar na katulong ng LRT Administration ang kanilang hanay sa pangangalaga ng seguridad sa mga estasyon para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero, mga empleyado nito at maging ang pasilidad at kagamitan ng LRT.
Pagtitibayin din ng Light Rail Transit Authority (LRTA) at Philippine National Police (PNP) ang information campaign sa aspeto ng kaligtasan at seguridad kasama na ang kampanya laban sa mga grupo ng kriminal, modus operandi at kung papaano maiiwasan ang mga ito.
Tiniyak din ng ating heneral na may itatalagang police assistance desk sa lahat ng mga LRT station para madaling makahingi ng tulong ang mga pasahero, lalo na sa emergency cases.
Sabi ni General, libre ding makakasakay ng LRT Line 2 ang mga pulis basta’t nakauniporme at may kaukulang ID ang mga ito. Kaya ‘yung mga pekeng pulis diyan, kwidaw kayo at hindi kayo makaliligtas sakaling may tangka kayong magkubli sa uniporme nila.
Sagrado po lalo na kay General Eleazar ang kanilang uniporme kaya huwag kayong loloko-loko.
Todo bantay po ang mga pulis natin lalo na sa mga matataong lugar, partikular na sa mga bus terminal, paliparan, pantalan, simbahan, parke, gayundin sa mga shopping mall, simbahan na dinarayo ng mga tao tuwing ipinagdiriwang ang naturang mga okasyon.
Sabi ni General, ngayon pa lang ay dapat nakalatag na ang seguridad para sa holiday season na karaniwan ngang sinasamantala ng masasamang elemento.
Pinaalalahanan din ni Sir ang mga pamilyang lalabas sa kanilang mga tahanan para sa ‘long weekend holiday’ na ihabilin ito sa kanilang mga kapitbahay upang hindi maisahan ng mga ‘Akyat-Bahay gang.’
Sa kasalukuyan ay puspusan naman ang pinaigting na police visibility at mobile patrol ng mga PNP operative para bigyang seguridad ang mamamayan ngayong holiday season.
Hiniling din ni General Eleazar sa mga barangay official na gawing regular ang pagpapatrolya sa kanilang mga nasasakupan dahil sila nga naman ang higit na nakakakilala sa kanilang mga residente.
Kung sa tingin nila ay kahina-hinala ang kilos lalo na pag estranghero sa kanilang lugar, i-report agad ito sa mga istasyon ng pulisya para agad na makilusan.
Sa mga kababayan natin, huwag din naman po natin iasa lahat sa mga pulis ano po? Doblehin din natin ang pag-iingat at maging alerto lagi para hindi tayo naiisahan at nabibiktima ng mga mokong na kriminal.