Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa na mabibigyan ng sapat na seguridad si Edgar Matobato, ang testigo at self-confessed member ng Davao Death Squad (DDS) habang nasa kustodiya ng pulisya.
Kahapon bandang alas-nuwebe ng umaga nang dumating sa Camp Crame si Matobato kasama si Sen. Antonio Trillanes na siyang nag-turnover sa una sa pulisya matapos maglabas ng warrant of arrest ang Davao court dahil kabiguang iprisinta ang sarili sa itinakdang arraignment sa kasong illegal possession of firearms noong 2014.
Wala si Dela Rosa nang dumating sina Matobato at Trillanes dahil may nauna itong inasikaso kaya itinuloy si Matobato sa PNP-CIDG para sa pagsasailalim sa booking process.
Sinabi ni Trillanes na tinulungan nito si Matobato para matiyak ang kaligtasan lalo’t mabibigat ang mga binitiwan nitong alegasyon laban sa malalaking personalidad.
Sumailalim na si Matobato sa fingerprinting at mug shots.
Una nang sinabi ni Matobato na hindi siya natatakot ngayong nasa kostudiya na siya ng pulisya at tiniyak din nito na hindi siya magtatangkang tumakas dahil pagod na itong magtago.
“Ipinapasa-Diyos ko na lang ang aking buhay. Kung sakali ay handa na akong mamatay dahil naisiwalat ko na ang aking nalalaman sa Davao Death Squad,” wika ni Matobato.
“Basta itama ko lang ‘yung pagkakamali ko,” dagdag pa ni Matobato.
Si Matobato ay humarap sa pagdinig ng Senado at iniugnay nito si Pangulong Rodrigo Duterte sa extrajudicial killings sa Davao City.
NAISAHAN SILA NI TRILLANES AT KAPAG MAY MASAMANG NANGYARI KAY MATOBATO NIYAN, LALONG MASISIRA ANG CRIDIBILIDAD NG PNP.