Seguridad sa lalawigan ng Cavite lalong pinalakas

Todo-balita ni Idol by Jolo Revilla

Hindi lingid sa ating kaalaman na ang lalawigan ng Cavite ay ang probinsya na may pinakamalaking bilang ng populasyon.

Higit 4 na milyon na ang naninirahan dito at patuloy pang dumarami. Kaya naman patuloy na nagsisikap ang Panlalawigang Pamahalaan na isulong ang mga pang­kaunlarang programa at proyekto para sa ikauunlad ng mga naninirahan dito.

Higit pa riyan, binibigyang importansya din ang proteksyon at seguridad ng bawat Kabitenyo, matagal mang naninirahan at maging ang mga bagong lipat.

Gayunpaman, sadyang hindi maiiwasang may mga krimen na maganap. Ang mahalaga ay napapanatili ang kabuuang kaayusan ng probinsya at nananati­ling mababa ang bilang ng naitatalang kaso ng kriminalidad.

Bunga ito ng maigting na kampanya ng mga kapulisan na mahigpit na tinutupad ang kanilang tungkulin para mapuksa ang droga at krimen sa lalawigan.

Sa katatapos lamang na Provincial Development Council meeting, nagbahagi ng ulat ang PNP Cavite hinggil sa kasalukuyang sitwasyon ng lalawigan sa usapin ng peace and order.

Ayon sa ulat, mula Enero hanggang Setyembre taong kasalukuyan, mayroong mahigit 12,000 na kaso ng kriminalidad ang nai-report sa mga kapulisan. Kabilang sa mga kasong ito ang pagnanakaw, physical injuries, motornapping, carnapping, rape, homicide at murder.

Binigyang-diin din ang pagsugpo sa droga sa pamamagitan ng paglulunsad ng Double Barrel ope­ration ng PNP. Hanggang sa ikatlong kwarto ng taon, mayroon nang naitalang mahigit 40,000 ang sumuko.

Mayroon namang nakumpiska na ilegal na droga­ na may halagang higit 16 milyong piso mula sa iba’t ibang tipo ng operasyon. May naitala na ring 88 bilang ng mga barangay ang 100% cleared sa ilegal na droga.

Hindi pa natatapos dito ang anti-drogang kampanya ng lalawigan, patuloy itong paiigtingin, palalakasin at palalawakin para buong probinsya ay maging drug-free community.

Nais ko ding ibahagi ang 5-PRIORITY PROGRAM OF ACTION ng PNP Cavite sa pangunguna ng ating Provincial Director CSSUPT. Segun.

Narito ang mga sumusunod na programa:

1. Sustain campaign against illegal drugs, criminality, corruption and internal cleansing;

2. Enhancement of PCR sa pamamagitan ng Barangay Pulong-Pulong, Awareness Campaign at Outreach Activities;

3. Gender Awareness and Personal Development tulad ng Bless our Cops Program;

4. Upgrading Capabilities; at

5. Neighborhood Watch tulad ng Community Mobilization at paghikayat sa mga barangay na maging Drug-Free Community.

Kaya naman, sa kabila ng kaliwa’t kanang balita na ating naririnig at napapanood hinggil sa iba’t ibang krimen na nagaganap sa lalawigan ng Cavite, hindi tumitigil ang ating mga kapulisan katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan na wakasan ang pangamba at takot ng bawat Kabitenyo. Laging nasa una ang seguridad at proteksyon ng bawat pamilya.

Nagsagawa ng malawakang checkpoints, pinataas ang police visibility, binantayan ang lahat ng mga nakamotorsiklo para mapuksa ang mga riding-in-tandem incidents.

Tunay ngang hindi matatawaran ang kasipagan at katapangan ng ating mga Kabitenyong Pulis. Saludo ako sa inyo, KAYO ANG IDOL KO!

Hinihikayat ko rin ang lahat na magkaisa para mapuksa ang krimen at droga sa lalawigan. Bawat Kabitenyo ay may responsibilidad, dahil sa NAGKAKAISANG CAVITE, WALANG IMPOSIBLE!