Nanawagan si Senador Joel Villanueva sa mga awtoridad at Department of Education (DepEd) na paigtingin ang seguridad ng mga guro at lahat ng pampublikong eskuwelahan sa bansa.

Bunsod na rin ito sa naganap na pagpatay sa isang guro ng Tambubong Elementary School sa Bocaue, Bulacan na kinilalang si Melody Esber, 33-anyos at Grade 4 teacher.

Binaril ito at pinatay habang nagtuturo sa classroom ng boyfriend nito na si Repurto Dat­win, 40, aktibong miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagpatiwakal din matapos mapaslang ang nobya.

Bukod sa magkasintahan ay nadaplisan ng stray bullet ang isa sa mga estudyante ni Melody na nasa mabuting kalagayan na sa ngayon.

Ayon kay Villanueva, dapat itong magsilbing leksyon upang paigtingin pa ang seguridad ng mga pampublikong eskuwelahan para masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante at mga guro.

“We urge the DepEd and the authorities to tighten the security in schools to ensure the safety of our students and teachers so that similar incident that happened to Melody will not be repeated,” sabi ni Villanueva.