Inatasan ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde ang pagtataas ng police visibility at pagpapatrolya ng kanyang mga tauhan para masiguro ang kaligtasan ng mga dadalo sa Simbang Gabi.
Umaasa ang opisyal na magsasagawa ang mga field commander ng inspeksiyon sa mga simbahan at kalapit na lugar nito upang matiyak na nasusunod ang pagpapatrolya ng kapulisan. Gayundin, naglabas ng kautusan si Albayalde sa lahat ng police regional director upang tiyakin na may pulis na magbabantay sa paligid ng mga simbahan.
“This is an important Filipino tradition that we cannot afford to miss. We are prepared to address any security issue that can possibly spoil this event,” ayon sa pahayag ng opisyal.
Kinakailangan umano na mag-deploy ng mobile patrol na may mga blinker upang maipakita ang presensya ng pulisya nang hindi nakakaalarma sa publiko.
Pinaalalahan ni Albayalde ang mga pulis na magbantay sa mga kriminal at makipagtulungan sa mga opisyal ng barangay.
Magkakaroon umano ng random inspection ang ilang miyembro ng PNP Command Group and Directorial Staff upang matukoy kung nasusunod ang mga direktiba ng ahensiya. (PNA)