Pinaghahanap ngayon ang isang hindi pa kila­lang killer na pumupuntirya umano ng mga security guard matapos na dalawang bangkay ng sekyu na kapwa nagtamo ng mga tama ng saksak sa katawan ang natagpuan sa mismong gusali na kanilang binabantayan sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw.

Sa report kay QCPD Acting Director Sr/Supt. Guillermo Lorenzo E­leazar, ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) nakilala ang mga biktima na sina A­lexander Carvero y Gallero, 31 at Nerwin Villa y Francisco, 32, kapwa security guard KRP Security Agency at stay-in sa JAC Service Center na matatagpuan sa No. 750 Bonifacio Avenue, Brgy. Pag Ibig sa Nayon ng nasabing lungsod.

Ayon sa report nangyari ang insidente dakong alas-kwatro ng madaling-araw sa harapan ng JAC Service Center kung saan nadiskubre ang bangkay ng mga biktima na kapwa may mga tama nang saksak sa kanilang katawan.

Sa pahayag sa mga awtoridad ng testigong si Ariel Noto, security guard na naka duty sa JAC Show room kukuha umano siya nang maiinom na tubig sa 2nd floor nang makita niya si Villa na duguang nakahandusay sa gate malapit sa guard house.

Agad na humingi ng tulong si Noto sa kasamahang si Gerry Manbaji at Norlen Ocop at isinugod ang biktima sa Quezon City General Hospital (QCGH) subalit idineklara rin itong dead-on-arrival.

Ilang sandali pa umano ay isang concerned ci­tizen ang nagsabi kay Noto na mayroon duguang lalaki na nakabulagta sa harap ng JAC Service Center na mabilis pinuntahan ni Noto at halos hindi umano ito makapaniwala ng makita ang wala ng buhay na si Carvero.

Sa kasalukuyan ay blangko pa ang mga awtoridad kung ano ang tunay na motibo sa krimen kung kaya’t patuloy pa ang imbestigasyon upang matukoy at maaresto kung sino ang nasa likod ng krimen.