Nagawang tangayin ng dalawang hindi nakilalang kawatan ang service firearm ng isang sekyu matapos nila itong tutukan ng kutsilyo sa insidenteng naganap pasado alas-kuwatro ng madaling araw kamakalawa.

Ayon sa report ng Bacoor Component Police Station, naka-duty umano sa Alfa Mart Convenience Store sa Barangay San Nicolas 3, Bacoor City Cavite ang biktimang si S/G Henladin Abdul y Amirol nang lapitan ng dalawang suspek.

Napag-alaman na hindi umano namalayan ng sekyu ang paglapit ng mga suspek dahil bumigay ito sa antok at nakaidlip habang nakaposte sa nasabing establismento.

Bunsod nito’y natangay ng mga suspek ang kanyang cal. 38 pistol na may serial number na PRO2176804.