Isang security guard ang sugatan matapos na tamaan ng bala mula sa kanya mismong baril nang aksidente itong mahulog at pumutok sa kanyang pinagtatrabahuhang establisiyimento sa Lungsod ng Valenzuela kamakalawa ng gabi.

Nagpapagaling ngayon sa Valenzuela City Medical Center (VCMC) ang biktimang si Jecker Jomboy, 23, security guard ng Asengco Security Services at residente ng Mahogany St., Phase VI, Camarin, Caloocan City nang tamaan ng bala sa kanyang itaas na bahagi ng kanang hita.

Sa ulat ng Valenzuela City Police, kasalukuyan umanong on duty sa Canumay Vinyl Manufacturing na matatagpuan sa ITC Compound, Brgy. Bagbaguin ng nasabing lungsod ang biktima, ganap na alas-11:30 ng gabi nang tanggalin nito ang kanyang .38 caliber na baril sa beywang.

Inilapag ng biktima sa mesa sa loob ng guardhouse ang baril, tinanggal ang kanyang sinturon at ipinatong din sa lamesang kinalalagyan ng baril na natabig nito at nahulog sa sahig at pumutok. Nasapul sa hita, ang biktima na agad namang sinaklolohan ng mga nagtatrabaho sa lugar.