Inirekomenda ng kilalang urban planner sa bansa ang paggamit ng mga sementeryo bilang alternate route upang makaiwas ang mamamayan sa mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Ito ang ipinabatid ni Architect Felino Palafox Jr. sa hearing ng Senate committee on public works na pinamumunuan ni Sen. Manny Pacquiao.
Ayon kay Palafox, isa sa madaliang hakbang para makaiwas sa trapik ang mga motorista ay ang pagpapahintulot sa mga naglalakihang military camp at sementeryo sa Metro Manila na gamitin bilang alternate route.
“Bago natin buksan ‘yung villages, buksan muna ‘yung military camps roads. ‘Yung flyover EDSA, napakatrapik. ‘Yung roads ng military camps walang trapik, ‘yung sementeryo walang trapik. Why not buksan ‘yung sementeryo for pedestrians and bicycles saka subdivision roads?” giit ni Palafox.
Sinabi naman ni Pacquiao na idudulog niya sa DPWH at DOTr ang suhestiyon ni Palafox upang mapag-aralan ito.
“Napakaganda at nai-share niyo dito sa atin bago niyo i-share sa ibang bansa,” ani Pacquiao.
Sinabi naman ni DPWH Secretary Mark Villar na ‘doable’ ang ibang mga panukala ni Palafox bagama’t hindi ito nagbigay ng hatol sa panukala na pabuksan ang military camps at sementeryo.
Para naman kay Sen. Leila de Lima, sinabi nitong para siyang nananaginip kapag naririnig ang mga suhestiyon ni Palafox.