Tapos ng ilang araw ng ispekulasyon, nag-impake na si Bobby Ray Parks Jr. mula sa Blackwater para lumipat ng TNT.
Dalawang conference lang ang pinirmahan ni Parks sa Elite, kumuha sa kanya bilang second pick overall sa 2018 PBA Draft.
Sa midseason Commissioner’s Cup na nakalaro ang anak ni dating seven-time Best Import Bobby Parks dahil tinapos muna ang commitment sa Alab Pilipinas sa ASEAN Basketball League.
Ipinalit ng KaTropa sina Don Trollano, Anthony Semerad at 2021 first-round pick.
Sa unang deal ay Parks para kay Trollano at dalawang future picks (2019, 2021) pero humirit ang Elite kaya isinahog si Semerad na kilalang defensive player.
Pangalawang trade ito ng Blackwater sa TNT at pangatlo sa MVP group.
Unang pinamigay ng Elite si Mike Digregorio sa KaTropa kapalit ni Brian Heruela nitong Oct. 19.
Makalipas ang anim na araw, sa Meralco naman nakipag-trade ang Blackwater – sina Allein Maliksi at Reymar Jose kapalit nina Mike Tolomia at KG Canaleta plus 2020 at 2022 second round picks.
Nasa PBA Commissioner’s Office na ang trade papers, pirma na lang ni Commissioner Willie Marcial ang kulang. (VE)