Dating seminarista ang pinaghahanap na ISIS member na kapatid ng isa sa mga naarestong ISIS member sa Laguna noong Huwebes ng umaga.

Si Jay Velasco Dizon, tubong Tagkawayan, Quezon ay isang seminarista sa Mount Saint Aloysius College Seminary sa Bayan ng Gumaca, Quezon. Subalit ito ay lumabas ng seminaryo at nagtungo sa Saudi Arabia. Nang bumalik ito sa kanilang bayan ay isa na itong Muslim at hinikayat ang kanyang pamilya na magbalik Islam.

Nabatid na naging miyembro si Dizon ng Suyuful Khilafa Fil Luzon group na isang faction ng ISIS.

Una nang naaresto sa Cabuyao, Laguna noong Huwebes ang kapatid nito na si Jimuel Velasco Dizon, alyas Amir. Nahuli din sa Sta. Rosa, Laguna ang isa pang kasama na si Eddie Boy Alejo Bermejo, alyas Abdullah.

Narekober ng tatlong kalibre .45 baril, 19 na mga bala, fragmentation hand grenade, improvised explosive devices (IED) at dalawang ISIS flags.