Sen. Bong Go mas bet kesa mga lokal na opisyal

Mas gusto ng mga biktima ng sunog na makita si Senador Bong Go sa halip na ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan o mga government agency sa kanilang lugar.

Ang dahilan ng mga nasusunugan ay mas nakatitiyak sila na darating agad ang ayuda ng pamahalaan tulad ng mga materyales ng bahay, damit, gamit, at pagkain kapag si Go ang unang dumating sa fire scene.

Tulad ng sunog na nangyari sa Arayat at Zambales Street sa Quezon City na agad na pinuntahan at dinamayan ni Go.

Nang makarating sa kaalaman ni Go ang hiling na tulong ng mga residente sa Arayat Market ay agad na nagtungo sa lugar ang da­ting Special Assistant to the President.

Dala ni Go ang mga pagkain, damit, ilang materyales sa paggawa ng bahay, at mga school supply para sa mga batang mag-aaral na nasunugan.

“Nandito po ako para siguruhin at ipakita sa inyo na narito ang gobyerno at hindi kayo kinakalimutan,” anang senador.

Nangako rin ang dating kanang-kamay ng Pangulo na lalakarin niya sa National Hou­sing Authority (NHA) na magkaroon muli ng permanenteng tirahan ang mga nasunugan.

“Mahirap po ang masunugan kasi pati mga kapitbahay mo hindi ka matulungan at madamayan dahil biktima rin sila kaya kaila­ngan nila ng ayuda mula sa labas ng kanilang komunidad,” pahayag pa ni Go.

Nag-aalok din ang senador ng pamasahe pauwi ng probinsiya para sa mga gusto nang umuwi na lang sa kanilang lalawigan.