Senado ‘di magmamadali sa emergency power

grace-poe

“Huwag kayong matakot sa emergency power.”

Ito ang panawagan ni Transportation Secretary Arturo Tugade sa Senado matapos ipahayag ng mga senador ang kanilang pa­ngamba sa nasabing panukala nang isalang sa unang pagkakataon ang panukalang batas para pagkalooban si Pangulong Rodrigo Duterte ng emergency power upang resolbahin ang problema ng trapik sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa.

Ang pahayag ni Tugade ay mistulang hindi naman tumalab sa mga senador matapos na ipa­ngako ni Sen. Grace Poe, chair ng Senate committee on public services na bubusisiin niya itong mabuti para matiyak na ito ay epektibong tutugon sa paglutas sa lumalalang trapiko sa Metro Manila.

“Kailangan ay malinaw ang sakop at limitas­yon ng emergency powers­ na ito. Para saan at paano ito gagamitin nang epektibong matugunan ang krisis sa trapik,” wika ni Poe.

“Wala dapat hidden costs o undeclared conditional debts na isasalin sa susunod na mga hene­rasyon… ang kapangyarihang ito ay titiyakin na­ting hindi magreresulta­ sa mataas na halaga ng mga kontrata. Dapat alam natin ang mga detalye at mga deadline,” giit ni Poe.

Ani Poe, magsasa­gawa ang kanyang komite ng “marathon hearings” o isa o dalawang hearing kada linggo at sana’y pagsapit ng Disyembre ay mapagdebatehan na ito sa plenaryo ng Senado.

Sinabi pa ni Poe na hindi niya mamadaliin ang pag-usad ng emergency power bill dahil nakasasalay dito ang kapakanan ng taumba­yan kung agad-agaran nila itong aaprubahan.