Inaprubahan na sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang isang panukala na magbibigay kapangyarihan sa Pangulo na ipagpaliban ang pagbubukas ng klase sa Agosto.
Sa botong 23-0, inaprubahan ng Senado ang Senate Bill No. 1541, na naglalayong amiyendahan ang Section 3 of Republic Act (RA) 7797 o “An Act to Lengthen the School Calendar from Two Hundred (200) Days to Not More Than Two Hundred Twenty (220) Class Days.”
Sa orihinal na batas, ang simula ng klase ay magsisimula sa unang linggo hanggang huling araw ng Agosto.
“The immediate effect of this legislation would be to empower the President to move the start of the School Year 2020-2021 to September or even later in the event that public health authorities would recommend the postponement of the school year in order to contain the spread of COVID-19,” ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, chair ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Kapag naisabatas ang panukala, sinabi ni Gatchalian na magkakaroon ng flexibility ang Pangulo at Department of Education (DepEd) na kung bubuksan ang klase kapag patuloy ang banta ng virus at nalalagay sa panganib ang kaligtasan ng mag-aaral, titser at mga non-teaching personnel.
Pinasalamatan naman nito ang kasama sa Senado na bumoto sa panukala.
“Natutuwa po ako at nakapasa na sa senado ang panukalang batas na ito. Mahalaga ang pagpasok sa eskuwelahan ng mga bata, pero higit na mahalaga ang kanilang kaligtasan at kalusugan,” sabin ni Gatchalian.
“Kaya bigyan po natin ng pagpapasya ang Pangulo ng Pilipinas at ang Kalihim ng Edukasyon upang baguhin ang petsa ng pasukan sa panahon ng pandemya habang walang kasiguraduhan sa kaligtasan at kalusugan ng kabataang Pilipino,” dagdag pa ito.
Ang Senate Bill 1541 ay substitute bill sa pinagsama-samang hiwalay na panukala nina Senador Joel Villanueva, Francis Tolentino, at Senate President Vicente “Tito” Sotto III. (Dindo Matining)