Nananatiling malamig at hindi interesado ang liderato ng Senado na umaksiyon kaugnay sa panukalang muling pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.

Sa halip, ayon kay Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III, hayaan nila ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na aksiyunan ang panukala.

Paglilinaw ni Pimen­tel,­ hihintayin na lamang ng Senado ang gaga­wing aksiyon ng Mababang Kapulungan partikular ang pagproseso ng panukala matapos na may maghain na ukol dito.

Sa ngayon, ayon kay Pimentel, wala namang senador na naghahain ng panukala o resolusyon­ ukol dito kung kaya’t wala silang tatalakayin hindi umano katulad sa Mababang Kapulungan na may pormal na naghain ng panukala ukol dito.

Dahil dito, sinabi ni Pimentel, na ang kanilang usapan ni House Speaker Pantaleon Alvarez ay sila na umaksiyon sa panukala at oras na ito’y maipasa ay agad itong ita- transmit sa Senado upang maaksyunan.

Dito na umano makakapagdesisyon o makakabuo ng posisyon ang Senado kaugnay sa panukala.

“Ang usapan namin ni Speaker, I think they will be the ones to process the bill or reso on the barangay election, then once it passes the House of Representatives, it will immediately be transmitted to the Senate, therefore we will now discuss. The plenary will now take a position,” dagdag ni Pimentel.

Si Pangulong Rodrigo Duterte, ang mismong nagtutulak na mu­ling ipagpapaliban ang halalan at magtalaga na lamang umano siya ng mga opisyal sa bawat barangay.