Nagbabala si Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan sa posibilidad na burahin din sa usapin ng Charter Change (Cha-cha) ang Senado sa sandaling umak­yat sa Supreme Court (SC) ang usapin sa isinusulong na pagpapalit ng porma ng gobyerno.

Sinabi ni Pangilinan na ginawa nang inutil ng SC ang Senado sa pagpapatalsik noon kay da­ting Chief Justice Maria Lourdes Sereno kaya’t wala ring makakahadlang sa Kataas-Taasang Hukuman upang muli itong gawin.

“The SC already rendered the Senate inutile and inconsequential in removing Chief Justice through impeachment, what will prevent it from doing it yet again in the constitutionally manda­ted process of amending the Charter?” sabi ni Pa­ngilinan.

Una nang napaulat na pabor na si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa magkahiwalay na botohan ng Senado at Kamara sa sandaling mag-convene sila bilang Constituent Assembly (Con-Ass) para sa Cha-cha.

Gayunman, ipinaliwanag ni Pangilinan na hindi pa rin nito mapipigilan ang sinumang kongresista o interesadong partido na maghain ng petisyon sa SC laban sa Con-Ass na magkahiwalay ang pagboto ng mga mam­babatas.

Sa sandaling mangyari aniya ito, may posibi­lidad na paboran ng mga mahistrado ang magkasamang pagboto ng Senado at Kamara sa Con-Ass.

“Hence we remain skeptical and we should not let our guards down against the possibility of a House only Cha-cha as an option for those zealously pushing for Charter change,” sabi pa ni Pangi­linan.