Nangako si Senador Bong Go na sisiyasatin niyang mabuti ang diumano’y overpriced na COVID-19 medical supply gayundin ang test package ng Philippine Health Insurance Corporation (PHilHealth).

“We are ready to conduct an investigation on the alleged overpricing of medical supplies, equipment and packages, including COVID-19 test kits, reportedly purchased by the government, or being sold by abusive entrepreneurs,” sabi ni Go.

“We will also look into this to make sure that PhilHealth rates are in order to get the best value of every single peso the government spends for this,” dagdag nito.

Sabi ni Go, bibigyan nila ng pagkakataon ang mga concerned government agency na ilahad ang kanilang panig sa likod ng mga alegasyon na ibinabato sa kanila.

“Kung may makikitang anumang anomalya, pananagutin natin ang mga opisyal na ito. Wala po tayong pipiliin, wala tayong sasantuhin,” ani Go.

Kasabay nito, umapela ang senador sa mga pribadong indibidwal na huwag gawing negosyo ang kinakaharap na krisis sa COVID-19 pandemic.

“Sa mga pribadong indibidwal naman, huwag ninyo pong pagkakitaan o gawing negosyo ang krisis na ito. Lahat po ng mga Pilipino ay naghihirap, huwag ninyo nang dagdagan pa. Huwag niyo naman pong gamitin ang pagkakataong ito para pagsamantalahan pa sila,” babala nito.

Hinikayat din ng senador ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan at kasuhan ang mga tiwaling opisyal at pribadong indibidwal na nagsamantala sa sitwasyon para kumita ng pera.

“Tulad ng sabi ng IATF (Inter-Agency Task Force), hindi po pinipilit ang mga pribadong kompanya na bumili ng sarili nilang testing kits kaya hindi po ito dapat gamiting rason ng mga abusadong negosyante na magbenta ng mga produkto tulad ng COVID-19 test kits na lampas sa tamang presyo,” ani Go.

“Kung may alam po kayo na mga abusadong indibidwal sa gobyerno man o sa pribadong sektor, huwag po kayo matakot magsumbong sa Office of the President,” panawagan pa nito. (Dindo Matining)