Umiinit ngayon ang girian ng mga mambabatas sa Senado at Kamara hinggil sa P190 bilyong pork barrel insertion.
Ito ay matapos hamunin ni Coop Natcco Party-list Rep. Anthony Bravo, miyembro ng House panel sa bicameral conference committee (bicam) si Sen. Ping Lacson kaugnay sa pasabog ng senador na may tig-P160 milyon ang bawat kongresista.
Inatasan ni Rep. Bravo na trabahuhin ang pag-itemize ng P190 bilyong insertion ng Senado para sa panukalang P3.757 trilyong national budget ngayong 2019.
Idinepensa ng kongresitang si Bravo ang pag-amyenda ng kanyang mga kasamahan sa budget kaugnay ng alegasyon ni Lacson.
“The senator kept on saying that their amendments were institutional and not individual amendments. If that is so, why are they so afraid of itemizing their amendments? Dahil ba makikita ng publiko ‘yung mga isinali nila o isinaksak nila na billion peso?” paghahayag ni Bravo sa pulong-balitaan kahapon.
Tinawanan naman ni Lacson ang pambabraso ni Bravo na ilabas ang listahan ng nasabing pork barrel insertion.
Ayon kay Lacson, kung tunay mang nababahala si Bravo, dapat noon pa lamang ay hinamon na aniya itong isiwalat ang pagkakakilanlan ng mga senador na nasa likod ng P23 bilyong insertions sa badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“These are pathetic assertions by the good party list representative. If he intended to be truthful about his statements, he should not have skipped my revelation about the PHP23-billion insertions made by a number of senators on the DPWH budget alone,” ani Lacson.