Senado kinalampag sa online child trafficking

Pinasisiyasat ni Senador Leila de Lima sa Senado ang tumataas na bilang ng pag-abuso sa mga menor de edad online habang nasa gitna ng krisis dulot ng COVID-19 pandemic.

Sa inihaing Senate Resolution No. 386, nais ng senadora na imbestigahan ang naiulat na mga kaso ng cybersex na binibiktima ang kabataan habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine (ECQ).

“Dahil sa banta ng nakamamatay na COVID-19, kinailangang manatili ng ating mga kababayan sa kani-kanilang tahanan. Sa kasawiang palad, kasabay ding lumalaganap ang isa pang delubyo — ang online child trafficking na matagal nang salot sa ating lipunan,” ayon kay De Lima.

“Dahil sa lumubha pang kahirapan na dala ng pandemya, maraming pamilyang Pilipino ang nahuhulog sa patibong ng pag-abuso sa internet para kumita,” dagdag pa nito.

Isa sa mga kaso na napag-alaman umano ng tanggapan ni De Lima ay ang 25-anyos na babaeng nakalaboso sa cybersex trafficking ng mga bata, kabilang ang apat niyang anak. Pitong bata na may edad tatlo hanggang 14 na taong gulang ang nasagip sa nasabing operasyon noong Abril.

Noong Abril, isa pang 25-anyos na babae at kanyang kinakasama ang naaresto sa Cebu kung saan ang biktima naman ay ang menor de edad nitong pinsang babae. Inaabuso umano ng live-in partner naturang babae ang biktima.

“Nakababahala ang pagtaas ng bilang ng krimeng ito ngayong panahon ng krisis kung kailan nasa bahay lang ang mga bata at mas maraming oras ang mga mapagsamantala para sa ganitong klase ng sekswal na pang-aabuso,” wika ni De Lima.

Sa pag-aaral ng Child Rights Network (CRN), isang alyansya ng mga civil society organization, ginagamit ng mga sangkot sa online trafficking na ito ang social media platform gaya ng Twitter kung saan nag-aabang sila ng mga batang mabibiktima.

Habang sa Facebook naman, mayroong mga grupong nagpapakalat ng malalaswang materyal nang walang permiso mula sa mga nasa litrato o video.

“Kailangan nating sagipin ang mga biktima at panagutin ang mga nasa likod ng karumal-dumal na pang-aabusong ito. Walang puwang sa lipunan para sa mga halang ang kaluluwa na walang pakundangan sa kapakanan ng ating kabataan. (Dindo Matining)