Hangad ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano na makapag-ambag sa integridad at kalayaan ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso kapag nanalo siya sa senatorial election.
Ayon sa senatorial bet ng Otso Diretso, nais niya ang isang Senado na magtatanggol sa kapakanan ng buong Pilipinas, at hindi sa interes ng China o iba pang bansa.
“Isang Senado na may talino at integridad na kayang magbalangkas ng mga isyu na ‘di takot at tahimik o tatango-tango lamang sa kagustuhan ng Malacañang. I envision a Senate of the Filipino, by the Filipino, and for the Filipino. Not for China or any other country,” pahayag ni Alejano sa kanyang Instagram.
Samantala, kasabay ng paggunita sa ika-33 anibersaryo ng EDSA People Power revolt nitong Lunes, hinimok ni Alejano ang mga Pilipino na manindigan para sa karapatan at kalayaan.
“Lagi nating isipin na ang kapangyarihan ay laging nasa taumbayan, wala sa iilan o iisang tao lamang,” pahayag ni Alejano.