Bumigay din ang liderato ng ­Senado sa paraan ng pagbuwag ng Road Board matapos kagatin ang suhestiyon ni House Majority Leader at Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. na daanin sa bicameral conference committee ang paglusaw sa ahensiya.

 

Kasunod ito ng pagpupulong kahapon nina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Andaya.

 

Ayon kay Zubiri, aayusin na lamang sa bicameral conference committee ang ‘short and simple amendments’ sa paglusaw ng Road Board.

 

Naunang nanindigan si Senate Pre­sident Vicente ‘Tito’ Sotto III na buwag na ang Road Board matapos i-adopt ng Senado noong Setyembre 2018 ang inaprobahang panukala ng Kamara noong Mayo ng nakaraang taon.
Binawi naman ng liderato ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang panukala sa pagbuwag ng Road Board na inaprobahan sa panahon ng panu­nungkulan ni House Speaker Panta­leon Alvarez.
Dahil dito, nakialam na si Pangulong Rodrigo Duterte at nanindigan sa pagbuwag ng ahensiya dahil sa nagi­ging source lamang ng corruption.

 

Iginiit din ni Andaya na daanin sa bicameral conference committee ang pag­retoke sa panukala, na pinaboran naman ng mga lider ng Senado kahapon. ­