Pagkakaisa at kapayapaan ang na­ging sentro ng mensahe ng mga senador sa pagdiriwang ng Kapaskuhan.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Senador Emmanuel Joel Villanueva sa mga oportunidad na ipinagkaloob ng mamamayan sa kaniya sa gitna ng mga pagsubok.

“This holiday season, I pray for unity and peace in our nation and may the birth of our Lord Jesus Christ bring new hope for the Philippines,” saad ni Villanueva.

Binigyang-diin naman ni Senador Nancy Binay, na sa pagdiriwang ng Pasko ay palaging nakaka­kita ng pag-asa ang sambayanan kaya’t nanawagan ito na ibahagi ang kasiyahan at pagmamahal sa mga biktima ng aksidente, insidente at mga trahedya.

Nananawagan naman si Senador Lorna Regina ‘Loren’ Legarda sa sambayanan na mag-isip at damhin ang mga bagay na dapat ipagpasalamat.

“As we end this year and welcome a new one, let us appreciate the experiences we had and the people who have helped us turn our adversities into triumphs, misgi­vings into wisdom, and doubts into hope,” diin ni Legarda.

Nanawagan naman si Liberal Party (LP) President Francis ‘Kiko’ Pangilinan sa lahat na isama sa mga aalalahanin ang mga biktima ng ‘tokhang operations.’

Maraming pamilya aniya ang patuloy ang pagdadalamhati makaraang mawalan ng mahal sa buhay dahil sa kampanya kontra droga.

Kinatigan naman ni Senador Leila de Lima ang panawagang ito ni Pangilinan.

“Ipanalangin sana natin ang mga pa­milyang sasalubungin ang Pasko sa evacuation centers dahil sa pagsalanta ng kala­midad, gayundin ang mga kinailangang lumikas dahil sa kaguluhan. Ipanalangin din natin ang mga nauli­lang ina, ama, asawa, anak at kapatid na haharapin ang Pasko sa gitna ng pagluluksa at paghahanap ng hustisya sa mga pinaslang ng madugong pamamalakad ng rehimeng Duterte,” saad ni De Lima.