Muntik layasan ng mga mamamahayag ang ipinatawag na press conference ng isang senador dahil sa sobrang pagi­ging ‘late.’

Sa kuwentong nakarating sa Tonite, isang araw bago ang press conference, sinusubukan nang kunan ng pahayag si Mr. Lawmaker sa isang kontrobersiyal na isyu.

Gayunman, dahil busy ang mambabatas ay hindi nito napagbigyan ang kahilingan ng mga mamamahayag at sa unang iskedyul pa ng staff nito ay nais papuntahin na lamang sa isang event ng senador ang mga media.

Nang maramdaman na kaunting media lamang ang makakapunta, nag-iskedyul na lamang ang staff nito ng press conference para ipresinta ang malaking follow-up report. Nagpadala pa ng media advisory upang ipaalam sa lahat ang oras at lugar ng presscon nito.

Ang siste, dahil sad­yang binabantayan ang balita, maaga pa lamang ay nag-abang na ang mga mamamahayag su­balit ang inakala nilang 15 hanggang 30 minutong late na pagdating ng senador ay inabot nang dalawang oras.

Mas matagal pa ang pinaghintay ng mediamen kumpara sa halos isang oras na presscon ng senador.

Clue: Ang ating bida na kilalang-kilala dahil sa halos hindi ito nananawa sa pagsasalita at tila hindi nauubusan ng laway ay may letrang O sa kanyang apelyido as in ‘over’ sa pagka-late.