Senador may taga-tanong sa hearing

Sobra na talaga ang katamaran nitong isang miyembro ng Upper House dahil pati ba naman mga tanong niya sa mga resource person ng komite ay pina­patanong pa niya sa kanyang mga kabaro.

Hindi madalas du­malo sa mga pagdinig sa Senado ang mambabatas na ito. Kung pumunta man ito, magpapa-check lang ito ng attendance at kapag okay na bigla na itong sisibat.

Sa isang pagdinig sa Senado, isang kabaro nito ang nagsabing may pinapatanong ang mambabatas na ito sa isang resource person. Hindi lang isa kundi tatlong tanong pa ang binasa ng batikang mambabatas.

Marami tuloy ang nagtataka kung bakit nagpapatanong pa ang mambabatas na ito gayong puwede naman siyang dumalo sa pagdinig at siya na mismo ang magtanong sa mga resource person.

Hindi naman umano kailangan na english ang wika sa pagtatanong dahil karamihan naman sa mga kapwa niya mambabatas ay nagtatanong din sa wikang ­Filipino. Sino siya?

Clue: Ang senador na tamad dumalo sa pagdinig ay may letrang P sa kanyang pangalan as in “patanong please!”