Senador na dapat ako, dinaya lang — Tolentino

Senador na dapat ako, dinaya lang

Inihayag ni administration senatorial bet Francis ‘Tol’ Tolentino na naging senador na dapat siya noong 2016 election kung hindi lamang nadaya ng nakaraang administrasyon.

Sa kanyang talumpati sa campaign caravan ng Hugpong ng Pagbabago sa Meycauayan City, Bulacan nitong Lunes, sinabi ni Tolentino na isang senador na hindi nito pinangalanan ang lumapit sa kanya at ibinunyag na siya dapat ang no. 11 sa senatorial election noong 2016.

“Ang sabi sa akin nung isang senador, dapat daw number 11 ako. Kinalimutan ko na po iyan. Kaya muli po ngayon, lumalaban si Francis Tolentino,” ayon kay Tolentino.

Sinabi pa ni Tolentino na sa kabila ng mga black propaganda laban sa kanya noong 2016 senatorial election ay nakakuha pa rin siya ng mahigit 13 milyong boto.

Nanindigan si Tolentino na dahil sa mga iregularidad noong 2016 election kung kaya’t hindi siya nakaupo sa Senado.
“Dapat senador na po ako ngayon. Nadaya lang po ako ni (Leila) de Lima. Pang-labing-tatlo po ako. Natulog lang po ako ng 11:30 p.m. ng Mayo 9, pag-gising ko po ng 2:30 a.m. ng Mayo 10, no. 13 na ko nun,” ani Tolentino.