Senate minority ‘di mawawalan ng komite

Tiniyak ni Senat­e President Vicente ‘Tito’ Sotto III na hindi mawawalan ng pamumunuang komite ang mga senador na kabilang sa minority bloc.

Bagama’t nasa pagpapasya aniya ng mayorya ang hatian ng komite sa Senado, sinabi ni Sotto na higit 40 ang komite ng kapulungan kaya hindi maiitsapu­wersa ang mga senador sa hanay ng minorya.

“Marami-rami because there are more than 40 committees, we are only 24 and there are two or three senators who do not have a committee,” ani Sotto.

Maging si Senat­e Majority Leader Migz Zubiri ay tiniyak na mabibigyan din ng komite na pamumunuan ang mga miyembro ng minorya sa Senado.

“Yes of course, every­one deserves to get a committee. Walang mawawalan ng committee. There are more than enough for all members,” ani Zubiri.

Aminado naman si Senate Minority Leader Franklin Drilon na batay sa patakaran ng Mataas na Kapulungan ay desisyon ng mayorya ang committee chairmanship.

Pero sinabi ni Drilon na hindi sila magmamakaawa para lamang magkaroon ng pamumunuang komite.

“The committee chairmanship, under the rules, is the decision of the majority. We will not come begging for committees,” ani Drilon.

Tiniyak din nito na magpapatuloy ang minority block bilang fiscalizer ng Senado.

We will continue to fiscalize. The rules and the tradition of the Senate will always re­cognize the voice of the minority. There is no railroading in the Se­nate,” dagdag pa ni Dri­lon. (Dang Samson-Garcia)