Senate secretary posibleng makasuhan sa FOI

Maaring maparusahan ng Civil Service Commission (CSC) ang sekretarya ng Senado nang dahil sa hindi pag-aksyon sa kahilingan ng isang mamamahayag para sa karagdagang impormasyon ukol sa naging diskusyon ng Senado sa 2019 national budget.

Pormal na hiniling ng Nationa­l Press Club (NPC) kay CSC chairperson Alicia Bala na magsagawa ng imbestigasyon ang komisyon sa posibleng paglabag ni Senate Secretary Myra Villarica sa Freedom of Information (FOI) law at sa Code and Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (Republic Act No. 6713).

Sa isang liham na natanggap ng CSC nuong Hunyo 19, hinikayat ni NPC President Rolando B. Gonzalo si Bala na magsagawa ng isang imbestigasyon sa naging inaksyon ni Villa­rica sa media request ni Dave Veridia­no, kolumnista ng pahayagang Ba­lita, ukol sa dagdag na impormasyon sa 2019 national budget na noon ay pinag-uusapan pa sa Senado.

“This is to refer to your good office a letter complaint brought to our attention by a member of our profession referring to inaction of the Senate Secretary Atty. Myra Villarica which we believe warrant an inquiry or investigation,” ani Gonzalo sa kanyang liham.

Dagdag pa ni Gonzalo: “The petitioner, Dave Veridiano, columnist of Balita, sought our attention with the prayer that his concern should be attended by the Civil Service Commission which is considered a watch dog of all government officials and workers.”

Kung lumabas na guilty si Villarica sa pag-upo sa hiling ni Veridiano, siya ay mahaharap sa administrative disciplinary action, tulad ng pagbabayad ng fines, suspension at maging pagkatanggal sa trabaho, depende sa tindi ng kanyang paglabag sa batas ayon sa imbestigasyon na gagawin.

Si Veridiano ay unang sumula­t kay Villarica noong Pebrero 26, 2019 na humihiling ng karagdagang impormasyon sa mga ‘institutional amendments’ na ginawa ng mga senador sa 2019 national budget.

Sa nasabing liham, binigyang-diin ni Veridiano ang kahalagahan ng ‘transparency’ sa mga transaksyon sa gobyerno, kasama na ang mga deli­berasyon na ginagawa sa Senado.

Sa kanyang reklamo sa NPC, sinabi ni Veridiano na ang hindi pagsagot ni Villarica sa kanyang letter request ay paglabag sa Freedom of Information (FOI) Law at sa Code and Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (Republic Act No. 6713), na nagsasaad na “as a general rule, when a request or petition, whether written or verbal, can be disposed of promptly and expeditiously, the official and employee in charge to whom the same is presen­ted shall do so immediately, without discrimination, and in no case beyond 15 workin­g days from receipt of the request or petition.” (Mina Aquino)