Hayagang ipinakita ng mga Pinoy worker ang pag-ayaw sa isang kandidato sa pagka-senador matapos itong iwasan at hindi pansinin sa Hong Kong.
Mistulang may nakakahawang sakit kung ituring ito ng mga overseas Filipino worker (OFW) dahil bawat umpukan na lapitan ng kandidato sa park na paboritong puntahan ng Pinoy workers tuwing day-off ay nagkawatak-watak.
Halos mabibilang sa daliri ang mga gustong makipagkamay sa senatoriable at kahit game itong makipag-selfie ay wala namang gustong magpalitratong kasama siya.
May ilang OFW na nangangantiyaw pa at kapag lumalapit na itong kandidato ay ibang pangalan ng kandidato ang kanilang isinisigaw.
Pati staff ng senatoriable na kasama sa pangangampanya ay nahihiya dahil kapag palapit pa lamang sila sa umpukan ng mga Pinoy ay binubuska na ang mga ito.
Dahil naramdaman ni senatoriable na hindi siya welcome sa day-off ng mga Pinoy worker ay hindi na itinuloy ang pagpapakilala at pakikipagkamay pa sa iba pang Pinoy na namasyal sa park.
Ang senatoriable na bigong makapanuyo para makasungkit ng boto sa Hong Kong ay kilalang abogado, minsan makata at paborito ng mga talunang politiko at may letrang ‘M’ sa pangalan at apelyido.