Kung mayroon unang natuwa sa nilagdaang 2018 P3.77 trilyong national budget, ito ay ang mga mambabatas na kaalyado ni Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte dahil pasok ang bilyong pisong pork barrel fund.
Ayon kay ACT Teachers Rep. Antonio ‘Tonchi’ Tinio, buhay na buhay na naman ang pork barrel system kung saan binigo din ng Pangulo ang taumbayan sa ipinangako nitong pagbabago sa dating kalakaran ng gobyerno.
Habang nagsasaya ang mga kaalyado ng Pangulo, malungkot naman ang miyembro ng oposisyon na tinanggalan ng pondo para sa kanilang pet projects.
“First of all, this proves once and for all that the pork barrel system is alive and well under the Duterte administration. Despite the promise of change and assurances from DBM (Department of Budget and Mangement) Secretary (Benjamin) Diokno and House Appropriations Committee chair (Davao City Rep.) Karlo Nograles that the national budget is pork-free, it’s now plain for all to see that the House leadership has resorted to defunding the infrastructure projects of certain legislators as punishment for not toeing the administration line,” pahayag ni Tinio kahapon.
Kasabay nito, klinaro at itinanggi ni Tinio ang mga ulat na kabilang ang mga miyembro ng Makabayan bloc sa mayroong mga isinusulong na proyektong pang-imprastruktura.
Dumistansiya naman ang Malacañang sa isyu ng hindi paglalaan ng budget sa 28 kongresista na kritikal sa administrasyon sa nilagdaang 2018 national budget.
Sinabi kahapon ni Presidential spokesman Harry Roque, na walang kumpas si Pangulong Rodrigo Duterte sa budget dahil hindi naman siya ang nagdedesisyon sa pondo ng mga mambabatas.
Hindi aniya nakikialam ang Malacañang sa desisyon ng liderato ng Kamara o maging ng Senado pagdating sa budget ng mga mambabatas.
Sinabi ni Roque na mas mabuting tanungin si House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez ng mga mambabatas na may concern sa kanilang budget para sa susunod na taon para malinawan kung bakit hindi sila pinaglaanan ng pondo.