Senators dumistansya sa P6.4B shabu middleman

Dumistansiya ang mga senador sa pagkakaugnay nila sa negosyanteng nakaladkad sa shipment ng P6.4 bilyong halaga ng shabu mula sa China na nakum­piska ng Bureau of Customs (BOC) noong Mayo.

Sa pagkakaalam nina Sens. Risa Hontiveros, Francis Pangilinan, Juan Miguel Zubiri at ­Joel Villanueva, isang lehitimong negosyante si Kenneth Dong at wala silang ideya na ito’y sangkot sa drug smuggling.

Noong 2013, naging sponsor ng kasal ni Dong sina Hontiveros, Pangilinan, Zubiri, Senate President Pro-Tempore Ralph Recto at Rep. Johnny Pimentel.

Nagbigay din si Dong ng P3 milyong campaign fund kay Hontiveros noong 2013 elections at P5 mil­yon noong 2016 elections.

Ikinanta ng broker na si Mark Taguba sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee noong Hulyo 31, 2017 na ang shipper ng nasakoteng droga ay si Richard Tan/Chen Ju Long, kung saan ang middleman nito ay si Dong.

“Noong 2013, ako, kasama ng mga kapwa ko senador gaya nina Senators Migz Zubiri, Kiko Pangi­linan at Ralph Recto, ay naimbitahang mag-ninong at ninang sa kanyang kasal. Kaya’t pare-pareho kaming nagulat nang mabanggit ang kanyang pangalan sa Blue Ribbon hearing,” dagdag pa ng senadora.

Paliwanag naman ni Zubiri, itinuturing niyang kaibigan si Dong subalit ­wala siyang ideya na may iba itong negosyo.

“Should there be any evidence of Mr. Dong’s involvement in the said ­illegal drug trade, he should be brought to the bar of justice,” diin ni Zubiri.

Pahayag naman ni Pa­ngilinan, “I read in the papers that Kenneth insists on his innocence. If so, then he has nothing to hide and should answer the accusations by just telling the truth.

We will not condone wrongdoing. We believe those wrongly accused should be absolved and those guilty be held to account regardless of who they are.”