Kritikal ang isang lalaki matapos itong pagtripang pagsasaksakin ng apat na kalalakihang kanyang nakasalubong habang pauwing lasing galing sa isang kasiyahan sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Valenzuela City Police Community Precint (PCP) VII, ganap na alas-11:30 ng gabi nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng Hulong Street, Brgy. Bignay ng nasabi ring lungsod.

Pauwi na umano ang biktimang si Jay-Ar Fuentes, 21, construction worker at dahil lango sa alak ay pasuray- suray ang lakad nito. Ngunit papasok pa lamang sana siya sa kalye kung saan naroon ang kanilang bahay nang makasalubong nito ang apat na hindi pa nakikilalang suspek.

Dahil pasuray-suray ang biktima, pinagtripan ito ng mga suspek na sipain suntukin at ng hindi pa nakuntento ay isa isa pa nila itong pinagsasaksak.

Nilubayan at nagsitakas ang mga suspek nang ilang residente ang sumaklolo sa biktima.
Agad naisugod sa Valenzuela City Medical Center ang biktima na hanggang sa ngayon ay kritikal ang kundisyon.

Patuloy pa ring tinutugis ang mga suspek, inaalam na rin ang kanilang mga pagkakaki­lanlan.