Posibleng dahil sa kalasingan, todas ang isang obrero matapos na makuryente habang isinasaksak ang electric fan sa loob ng kanyang tahanan sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Ang biktima ay si Jayson Juanites Domingo, 29-anyos, may live-in partner, construction worker at taga-#90 Celebrity Villa, Roque Ext., Brgy. Pasong Tamo ng nasabing lungsod.
Si Domingo ay agad na isinugod sa East Avenue Medical Center subalit binawian din ng buhay dakong alas-4:49 ng madaling-araw kahapon.
Sa report kay Police Insp. Nick S. Fontanilla ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, ang insidente ay nangyari dakong alas-3:30 ng madaling-araw.
Ayon kay PO2 Julius Raz, ng CIDU, nakipag-inuman umano ang biktima sa live-in partner nitong si Jay Anne Dimaapi at ilan nilang kaibigan sa kanilang tahanan.
Nang magkalasingan ay nagpasya nang matulog ang mag-live in partner at habang isinasaksak ng biktima ang electric fan sa electric outlet ay bigla na lamang itong nangisay at pagkatapos ay bumalagta sa kama.