Senior citizen arestado sa panunutok

Arestado ang isang senior citizen matapos tutukan ng baril ang isang 19-anyos na lalaki nang walang dahilan sa Barangay Quinarayan, Narvacan, Ilocos Norte noong Sabado.

Ang suspek ang nakilalang si Manuel Barrientos, 66-anyos, ng nasabing barangay.

Samantala, ang biktima ay si Rochelle Cabusao ng Narvacan ng nasabing lalawigan.

Sa imbestigasyon, ayon kay Narvacan Police Station (NPS) chief of police Chief Insp. Marcelo Martinez, napadaan umano ang biktima kasama ang mga kaibigan sa harap ng bahay ng suspek.

Sa hindi malamang kadahilanan, biglang lumabas si Barrientos na may dalang gauge 12 na shotgun na paltik at itinutok sa biktima at binantaang babarilin ito.
Ayon kay Martinez, kinalabit umano ni Barrientos ang gatilyo ng baril ngunit hindi ito pumutok.

Agad na humingi ng saklolo ang biktima at agad na nagresponde ang mga pulis.

Dito, nalaman ng mga pulis na nasa impluwensiya ng alak ang suspek.

Nakakulong ngayon si Barrientos sa NPS detention cell habang kinasuhan siya ni Cabusao ng attempted homicide at illegal possession of firearms.