Nalagutan nang hininga habang isinusugod sa ospital ang isang 77-anyos na lalaki matapos atakehin sa puso habang niroromansa ang isang bayarang babae sa loob ng isang hotel sa Sta. Cruz, Maynila Linggo ng umaga.

Kinilala ang nasawing senior citizen na si Romeo Ramos, taga-Norzagaray, Bulacan.

Isinailalim naman sa imbestigasyon ng Manila Police District-Homicide Section ang kasamang babae ng biktima na itinago na lang sa alyas na Maya, 40-anyos at taga-Quiapo, Maynila.

Sa imbestigasyon ni Cpl. John Paul Rojo, dakong alas-10:05 ng umaga nang isugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktima nang makaramdam ng pananakit ng dibdib habang nagtatalik sila ng kasamang babae sa loob ng inokupang kuwarto sa Luxury Hotel na matatagpuan sa Sta. Cruz.

Agad naman humingi ng tulong sa room boy ang babae at isinugod ang biktima sa nasabing pagamutan pero hindi umabot ng buhay. ­(Juliet de Loza-Cudia)