Senior citizen puwede lumabas kung kailangan – Angara

Kasunod ng ulat na na nahihirapan ang mga senior citizen na makalabas sa ilalim ng general community quarantine (GCQ), pinaalalahan ni Senador Sonny Angara ang mga awtoridad na maaari pa rin silang payagang lumabas ng bahay para bumili ng kanilang mga pangangailangan.

“The guidelines for areas under GCQ are very clear. Senior citizens and persons below 21 years of age, while required to continue staying inside their homes, are allowed to go out to buy essential goods like food and medicine and to obtain essential services,” sabi ni Angara.

Nilinaw ito ng senador matapos ang ulat na ilang senior citizen ang hindi pinayagang makasakay sa public transport tulad ng Metro Rail Transit at Light Rail Transit.

“Clearly getting their pensions and important government documents are considered essential. Common sense lang ang kailangan dito,” ayon kay Angara.

“Hirap na nga ang mga senior natin na nakakulong lang sa mga tahanan nila ng halos tatlong buwan tapos sa bihirang panahon na kailangan nilang lumabas ay pahihirapan pa din sila,” sabi pa ng senador.

Si Angara ang isa sa mga may-akda ng Republic Act No. 9994 o Expanded Senior Citizen’s Act of 2010, na nagbibigay ng dagdag pang mga benepisyo at prebilihiyo sa mga matatanda sa bansa.

“Patuloy pa rin dapat ang pagbibigay ng priority sa mga senior sa pila sa mga grocery at botika at sa pagsakay sa public transport tulad ng MRT,” ani Angara.

“Wala naman patakaran na nagbabawal sa kanila na sumakay sa mga public transportation basta ang pakay nila ay pasok sa guidelines ng IATF,” sabi pa nito. (Dindo Matining)