Senior citizen todas sa ambus

Barangay Ex-O binaunan ng bala sa ulo

Patay ang isang 62-anyos na senior citizen habang sugatan ang kasamang driver matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem habang nakasakay sa barangay patrol tricycle kamakalawa nang gabi sa Bonifacio Drive, Port Area, Maynila.

Alas-kuwatro ng madaling-araw kahapon nang tuluyang bawian ng buhay ang biktimang si Domingo Ramos y Bautista, taga-Bayani Gawad Kalinga, Baseco, Port Area sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center dahil sa mga tama ng bala sa katawan.

Ginagamot rin sa nabanggit na pagamutan ang nasugatang trike driver na si Poly Dela Cruz, 31.

Inaalam naman ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek na magkasamang tumakas sakay ng isang motorsiklo.

Sa imbestigasyon ni P/MSgt. Jansen San, ng Manila Police District – homicide section, alas-8:20 ng gabi nitong Huwebes nang maganap ang pamamaril sa northbound lane ng Bonifacio Drive malapit sa tanggapan ng DPWH.

Lulan umano ng barangay patrol tricycle si Ramos at anak nitong babae na minamaneho ni Dela Cruz nang tabihan ng mga suspek at saka pinagbabaril ng backride sa motorsiklo.

Tinamaan si Bautista ng bala na tumagos naman sa driver kaya ito nasugatan. (Juliet de Loza-Cudia)