May nakasapin na P520 milyon sa 2019 national budget para sa pagtatatag ng National Commission of Senior Citizens sa ilalim ng Office of the President.

Inihayag ito ni Senior Citizens Party-list Rep. Francisco Datol Jr. dahil sa napipintong pagsasabatas ng panukala na nagsusulong sa pagbuo ng komisyon para sa mga matatanda.

Dahil dito, hinimok ng mambabatas ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ilatag na ang mga kinakailangang preparasyon at aksyon para mailarga ang operasyon nito sa lalong madaling panahon.

“Most probably, by the third or fourth quarter of this year, the seniors’ commission would be operational. The search for appointees to the commission can begin now,” pahayag ni Datol na vice chairman ng House committee on senior citizens.

Binanggit ni Datol na hindi kapareho ng ibang ahensiya, ang bagong tanggapan na alay sa mga senior ay bubuuin ng anim na commissioner na magiging kinatawan ng iba’t ibang ­rehiyon.

Pipili rin aniya ng exe­cutive director na siyang mamumuno sa pagpapatakbo ng komisyon.