Senior Cong humirit: Huwag kami buruhin sa bahay

Senior Cong humirit: Huwag kami buruhin sa bahay

Umapela ang isang mambabatas sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na pag-aralang muli ang resolusyon nito na nagbabawal sa mga senior citizen na lumabas ng bahay sa mga lugar na sakop ng enhanced community quarantine.

Ayon kay Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, binaha siya ng mga reklamo mula sa mga senior citizen na hindi sang-ayon sa IATF resolution.

Naiintindihan niya umano ang sentimyento ng mga senior citizen dahil marami sa mga ito kagaya nilang mga public official na 60-anyos pataas na pero physically fit pa rin namang magtrabaho.

Marami aniya sa mga nagreklamo ay ginigiit ang kanilang kalayaan na makalabas ng bahay at makapagtrabaho. Mas delikado pa umano sa kalusugan ng mga senior citizen ang patuloy na pananatili nila sa bahay dahil hindi sila masyadong gumagalaw.

“I can understand and even share their sentiments. Like many of us public officials who are 60 years old and above, they are physically fit to work and move around. Some have retired from the government or the private sector, and a big number of them now run their own small businesses while some are captains of industry,” sabi ni Rodriguez.

Sinisiguro naman aniya ng mga senior citizen na magiging ligtas sila laban sa COVID-19 sa pamamagitan ng palagiang paghuhugas ng mga kamay, pagsusuot ng face mask at pag-obserba sa social distancing.

Samantala, dahil maraming senior citizen sa mga miyebro ng gabinete, isusulong sa IATF ang pagtalakay sa quarantine exemption ng mga edad 60 pataas.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na marami sa mga gabinete ang lampas edad 60 na at maging sa mga matatas na opisyal ng mga pribadong kompanya may senior citizen kaya dapat magkaroon ng exemption hinggil dito.

“I`ve been hounded by senior citizens since the announcement came out because the 60 plus seniors are the decision makers in different companies including government,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na 80% ng mga gabinete ay senior citizen kaya umaasa ito na magkaroon ng desisyon lalo na sa sandaling ipatupad ang general community quarantine sa ilang mga lugar sa bansa.

Batay sa umiiral na polisiya sa ilalim ng enhanced community quarantine, bawal lumabas ng bahay ang mga sanggol hanggang edad bente, at 60 pataas.

Ang mga bata at matatanda ang sinasabing madaling kapitan ng impeksyon kaya hindi dapat lumabas ng bahay para makaiwas sa panganib ng COVID-19. (Issa Santiago/Aileen Taliping)