Bagama’t ‘very senior citizens’, daig pa ng matatandang mambabatas sa Kamara ang mga mas bata sa kanila kung ang pag-uusapan ay kasipagan sa pagpasok ng oras at pananatili sa session hall hanggang matapos ang sesyon.

Ito ang ipinagmalaki ni Albay Rep. Edcel Lagman na dapat umanong obserbahan ng mamamayan sa gitna ng “locked-up” na ipapatupad ng liderato ng Kamara simula Hulyo 2017 upang masigurong pumasok sa session hall ang lahat ng mambababatas bago magsimula ang session tuwing alas-kuwatro ng hapon.

“If you notice and you should take note of this, ‘yung nagre-remain dun (sa Session Hall) ‘yung mga very senior (citizens) members,” ani Lagman ukol sa mga kasamahan niyang mula noong 8th Congress na miyembro ngayon ng 17th Congress.

Kabilang sa mga ito sina Cebu Rep. Raul del Mar, Southern Leyte Rep. Roger Mercado, Ilocos Sur Rep. Eric Singson, at Northern Samar Rep. Raul Daza.

Sinabi ni Lagman na walang problema sa kanilang mga very senior members ang locked-up o pagsasara ng pintuan ng session hall pagpatak ng alas-kuwatro ng hapon upang lahat ng mga late ay mamamarkahan ng absent sa roll call.