Dahil sa sobrang init ay posible umanong na-heat stroke ang isang senior citizen makaraang basta na lang umano itong bumagsak habang nagpapakarga ng gasolina sa isang gas station sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat report ni PO3 Elario Wanawan, nakilala ang biktima sa pamamagitan ng kanyang dri­ver’s licence na si Ernesto Umali, 62-anyos, garment cutter ng No. 925 Hinahon St., Tondo Manila.

Lumilitaw na nangyari ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi sa gasoline station ng Sea Oil na matatagpuan sa may kahabaan ng Bonifacio Ave­nue corner Scout Alcaraz St., Brgy. N.S. Amoranto, Quezon City.

Sinabi ng gasoline boy na si Ernelen Dupalen, kakargahan sana niya ng gas ang motorsiklo ng biktima nang mapansin niya itong dahan-dahang tumutumba kung kaya agad niya umano itong inalalayan para umupo habang tumawag ng saklolo ang ibang kasamahan.

Ilang minuto pa ay dumating si Reyneld Jude Legaspi Dupale ng Emergency Medical Technician ng Manila Emergency Center Volunteer Rescue na naka-monitor sa insidente sa radio at tinangkang i-revive ang biktima pero nabigo ito.

Agad na ipinagbigay alam ng isang crew ng gas station sa Barangay hall ang insidente na agad naman tumawag sa mga awtoridad.