Maaga ang Pasko para sa may 77,685 senior citizens na BLU card holders sa Makati City dahil sisi­mulan na ng pamahalaang lungsod ang pamamahagi ng mid-year cash gifts sa mga ito.

Ayon kay Makati City Mayor Abby Binay, mula June 1, 2017 ay sinimulan nang ipamahagi ng pamunuan ni Mayor Binay ang mid-year cash gifts sa nasabing bilang ng mga senior citizens sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

Napag-alaman sa Elderly Welfare Section ng Makati Social Welfare Department (MSWD) na may karagdagang P1,000 matatanggap ang bawat senior citizen na BLU card holders batay sa City Ordinance No. 2016-A-043 na ipinasa noong Disyembre 2016.

Dahil dito, P3,000 na ang tatanggaping cash gifts ng mga senior citizens na may edad 60-69; P4,000 para sa edad 70-79 years old; at P5,000 para sa mga 80-­anyos pataas. Kalahati muna ang makukuha nila ngayong Hunyo at ang balanse ay sa Disyembre.

Maaaring makuha ang mid-year cash gifts ng Makati City para sa mga senior citizen na BLU card holders mula Hunyo 7 hanggang Hunyo 23 sa kani-kanilang mga barangay.

Para sa mga senior citizens na ‘di personal na makakapunta sa cash distribution centers, maaaring magpadala ng authorized representative na may pangalan sa likod ng kanilang BLU cards sa Cash Division sa 3rd floor ng Makati City Hall.

Kailangang magdala ng medical certificate bilang patunay na ang beneficiary ay may sakit, may kapansanan o kaya’y nasa pagamutan. Ang mga natu­rang authorization forms ay makukuha sa MSWD office sa 5th floor ng Makati City Hall.