Kay sarap ng nakalipas na linggo para sa ating lahing kayumanggi.

Sabado nakadale ng medalyang ginto si Carlos Edriel ‘Caloy’ Yulo sa 49th FIG World Gymnastics Championships 2019 sa Stuttgart, Germany sa pagprimero sa pamborito niyang men’s floor exercise.

Linggo o wala pang 24 na oras, gintong medalya rin ang nasakote ni Nesthy Petecio sa 11th AIBA World Women’s Boxing Championships sa Ulan-Ude, Russia.

Puyat at pagod man dahil sa obligasyon sa dalawa kong sa araw ng Sabado, ganado akong nakapagtarabahong mag-isa sa pagsasara ng tigalawang mga pahina sa sports ng Abante at Abante TONITE nitong Oktubre 12.

Nag-off nang Okt. 12 kung saan ang kumpare’t kasama kong si Abante Sports Editor Ferdinand ‘Ferdz’ delos Santos ang mga nagsara ng 4 sports pages para sa Sabado.

Medyo late man natapos ang mga pahinang ti­nrabaho, masaya pa rin ako kahit pagod na umuwi.

Sarap ng pakiramdam ko sa tagumpay nina Caloy, 19, tubong Maynila, at Nesthy, 27, sinilang sa Sta. Cruz, Davao del Sur.

Habang nasa aircon bus, nai-imagine kong senyales na ang panalo ng dalawa para sa may 95 taon nang pagkatigang ng ‘Pinas sa Olympic gold medal o sapul pa ng 8th Summer Olympic Games 1924 sa Paris, France.

Dalangin ng TP na makuha na nga ng mga Pinoy ang napakailap na karangalan sa quadrennial sportsfest sa 32nd SOG 2020 sa Tokyo, Japan.

Siyempre salamat sa magandang suporta na sa dalawang manlalaro mula sa Philippine Sports Commission at sa kanilang mga national sports association na Gymnastics Association of the Philippines at Association of Boxing Alliances in the Philippines.