Iniatas kamakailan ni Mayor Antolin ‘Lenlen’ Oreta III ang pagpapaigting sa serbisyong medikal ng Ospital ng Malabon (OsMal) para sa mga mamamayan ng Malabon.

Bilang pangunahing pagamutan sa lungsod, dapat maayos na maitalaga ang mga ekspertong manggagamot nito at mahusay na maala­gaan ang mga modernong kagamitan ng OsMal upang mas maging kapaki-pakinabang sa mamamayan ang pasilidad, habilin ng alkalde kina City Health Officer Dr. Roberto Romero at OsMal Administrator Dr. Mitzi Tanchoco.

Sa ngayon ay nagtutulong-tulong maglingkod sa mga pasyente ng OsMal ang may tatlong pediatrician, dalawang obstetrician, dala­wang espesyalista sa infectious disease, mga surgeon, radiologist, pathologist, internist, pulmonologist at pangkat ng mahuhusay na mga nurse, katambal ang iba pang tauhan sa pasilidad.

Ang mga kawani na pawang health service professionals ang gumagamit at namamahala sa mga maka­bagong kasangkapang panlaboratoryo ng OsMal na kinabibilangan ng isang digital mammography machine, projectional radiography (x-ray machine) at ultra sound unit para sa pagbibigay ng kaukulang atensyong medikal sa mga kliyente.

“Sinumang makitaan ng sintomas ng breast cancer halimbawa ay maaari nang masusing masuri agad sa pamamagitan ng ating mammography machine sa maagang yugto pa lamang ng sakit,” wika ni Dr. Tanchoco.

Gayundin, ang x-ray machine ng OsMal ay maaaring hindi gumamit ng film na magastos at nakakasira sa kalikasan, ayon sa Radiologist ng lungsod.