Ipinagmalaki ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre H. Bello III na mas pinaganda at mas pinaayos pa ang serbisyo at programa ng pamahalaan para sa benepisyo at pagpapagaan ng buhay ng mga overseas Filipino workers (OFWs) ngayong taon.

Sinabi ng kalihim na bubuksan na ang OFW Bank sa Setyembre 2017, na siyang mangangasiwa sa remittances at iba pang pangangailangan sa pananalapi ng migranteng Filipino sa buong bansa.

“Ang pagbubukas ng OFW Bank ay isang inisyatibo na pakikinabangan ng ating migranteng manggagawa. Ang bangkong ito ay nakalaan para sa pangangailangan ng ating mga OFW at magmamay-ari din sila nito,” ani Bello.

Sinabi pa nito na may nakalaang P3 bilyong capital at P2 bilyong subscribed capital ang nasabing bangko, at ang P1 bilyon ay bubuksan para sa subscription ng OFW na magiging part owner sa pamamagitan ng share of stocks.

Idinagdag din ng kalihim na kasalukuyang inaasikaso na ang pagbubuo at pag-iisyu ng OFW Identification Card (OFW ID) para sa mabilis at maayos na transaksiyon sa gobyerno at pribadong ahensiya.

Maaari ring gamitin ang OFW ID card bilang debit card at ATM card para sa OFW bank gayundin bilang beep card para sa LRT at MRT.

Samantala, sinabi rin ni Bello na mas palalawigin ng labor department at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang micro-financing loan na nagkakahalaga ng P50,000 hanggang P300,000 sa mga umuwing OFWs upang bigyan sila ng capital para makatulong sa pag-uumpisa ng kanilang kabuhayan para sa kanilang pamilya.