Pumapalo sa P2.014M ang atraso sa buwis na kailangang aregluhin ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ay may kaugnayan sa di umano’y “discrepancies” sa tax records ni Sereno mula 2004 hanggang 2009 na isiniwalat ng isang mataas na opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa impeachment hearing ng House committee on justice kahapon.
Isiniwalat ni BIR Deputy Commissioner Arnel Guballa na base sa initial findings, ang basic deficiency taxes ay nag-ugat sa di umano’y under declarations ni Sereno sa kanyang kinita bilang government counsel sa arbitration proceedings laban sa Philippine International Air Terminals Co. Inc. (Piatco) na nagtayo ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Sinabi ni Guballa na ang posibleng liability ni Sereno ay hindi tamang pagbabayad ng value-added taxes (VAT).
Samantala sa iba pang usapin inaprubahan ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali ang legislative immunity sa psychiatrists na nagsagawa ng psychological test kay Sereno. (Aries Cano)