Naigapang ng Utah at Boston ang magkahiwalay na panalo para ibuhol ang kani-kanilang first-round series sa tigalawang laro.
Sa Salt Lake City, umiskor si Joe Johnson ng 28 points at pinigil ng Jazz ang Los Angeles Clippers 105-98 Linggo ng gabi para itabla ang series sa 2-all.
Tumikada si Johnson, nagbaon ng winning shot sa Game 1, ng 11 straight Jazz points sa isang stretch sa fourth quarter kabilang ang pull-up jumper tungo sa 91-90 lead 3:55 pa sa laro matapos maghabol ng pito sa kaagahan ng period.
Hindi na nabawi ng Clippers ang manibela matapos kontrolin ang halos kabuuan ng laro.
May krusyal baskets din sina Rodney Hood at Joe Ingles para sa Utah sa stretch.
Nagtulungan ang Jazz matapos mawala si Gordon Hayward na nabiktima ng food poisoning.
Balik ang serye sa Los Angeles para sa Game 5 Martes ng gabi.
May 27 points, 12 assists at nine rebounds si Chris Paul sa Los Angeles, naglaro nang wala si Blake Griffin na inabot ng toe injury sa Game 3. Hindi na makakalaro sa buong post season si Griffin. Umayuda si Jamal Crawford ng 25 points, tumapos si DeAndre Jordan ng 12 at 10 sa Clippers.
Sa Chicago, umiskor si Isaiah Thomas ng 33 at sinagasaan ng Boston Celtics ang Bulls 104-95 para ibuhol din ang serye sa 2-2.
“Mentally and emotionally, I’m not here so I just feed off what the guys give me,” pahayag ni Thomas, emosyonal pa rin dahil namatay sa one-car crash ang nakababatang kapatid na babae.
Sinindihan ni Thomas ang third-quarter run ng Celtics matapos burahin ng Bulls ang 20-point deficit at sandaling hinawakan ang manibela. Nakabawi ang top-seeded Boston sa dalawang pagkasilat sa sariling teritoryo.
Apat na 3-pointers ang kinamada ni Gerald Green tungo sa 18 points, nagdagdag si Al Horford ng 15 points at 12 rebounds sa Celtics.
Game 5 sa Miyerkules sa Boston.
Pinasan ni Jimmy Butler ang Bulls sa nilistang 33 points at nine assists, may tig-13 sina Nikola Mirotic at ang bihirang magamit na si Isaiah Canaan, pero naka-11 lang si Dwyane Wade.